Mahigit 200 volunteer groups na kumakatawan sa mahigit 500,000 miyembro ang nagtipon-tipon sa online ngayon, Agosto 30 para magbigay pugay sa liderato at maaasahang serbisyo ni Vice President Leni Robredo, lalo ngayong panahon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ang pagtitipon, na tinaguriang “Kay Robredo, Taumbayan ang Panalo: The People’s Convention” ay ipinakita sa Facebook team ng Team Leni Robredo.
Sa nasabing pagtitipon, sinaluduhan nila ang mga programa at proyekto ng tanggapan ni VP Leni para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Anila, kahit kapos sa pondo ay mabilis na gumawa ang bise presidente ng paraan para makapag-abot ng tulong sa mga frontliner at mga Pilipino na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Nakipag-ugnayan din si Robredo sa pribadong sektor at iba’t ibang organisasyon para makapagbigay ng ayuda sa mahihirap na komunidad at mga pamilya.
Naging tampok sa programa ang pagbasa nila ng Manifesto of Support bilang pagpapahayag ng buong suporta kay VP Leni sakaling magpasya itong tumakbo bilang pangulo sa 2022.
Ayon sa mga grupo, si Robredo ang susi para makaahon ang bansa sa pandemya, magkaroon ng magandang buhay ang mga Pilipino, makaalis sa kahirapan ang bansa at maitrato ng may dignidad ang lahat ng Pilipino.
Nangako rin sila na hihikayatin ang iba pang Pilipino na suportahan ang hangaring iluklok si Robredo bilang pangulo sa 2022.