CAUAYAN CITY- Umabot na sa 2,135 na overseas filipino workers ang natulungan na ng Overseas Workers Welfare Aministration (OWWA) Region 2 para makauwi sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng Luzviminda Tumaliuan ang OIC Regional Director ng OWWA Region 2, sinabi niya ito ay mula noong May 21, 2020 hanggang July 2, 2020.
Ang lalawigan ng Isabela ay may napauwing 953 OFWs, ang lalawigan ng Cagayan ay may 667, sinundan ng Nueva Vizcaya na may bilang na 250 at ang lalawigan Quirino na may 102 returning Overseas Filipinos habang ang Batanes ay may 20 ROFs.
Ayon pa kay Ginang Tumaliuan ang ilang mga nahuling umuwi na OFWs na taga Batanes ay nananatili muna sa isang hotel sa Tuguegarao City dahil wala pang bumibiyaheng sasakyang pandagat.
Nagpasalamat naman ang OWWA Region 2 sa Office of the Civil Defense dahil sa kanilang paghatid sa 7 naunang ROFs sa Batanes gamit ang kanilang Military Plane.
Umabot na rin sa 173 ang natulungan ng OWWA region 2 para makauwi sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Matatandaang para maiuwi ang mga ROFs at LSIs ay naghire ang OWWA Region 2 ng mga bus upang may masakyan ang mga uuwi ngunit sa kalaunan dahil sa utos ni PangulongRodrigo Duterte ay ang OWWA central Office na mismo ang umuupa sa mga bus para sakyan ng mga pauwing ROFs at LSIs.
Patuloy parin naman ang pagtulong ng OWWA region 2 sa mga umuuwing OFWs kaya nagtalaga na rin sila ng kawani sa mga drop off points para makatulong sa paggabay sa pag uwi ng mga OFWs at LSIs.