Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umaabot na sa kabuuang 193,436 indibidwal ang apektado na ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Katumbas ito ng 40,897 pamilya sa Calabarzon, Mimaropa province, at Western Visayas.
Ang latest data na ito ng NDRRMC ay mas mataas sa naitalang bilang ng mga apektadong populasyon noong Huwebes na nasa 178,306.
Nadagdagan din ang bilang ng mga mangingisda na apektado ng oil spill sa 24,698 mula sa dating 13,636 noong Huwebes.
Sa sektor ng agrikultura, pumapalo na ang pinsalang iniwan ng tumagas na langis sa mahigit P3.8 billion.
Una na ring nilinaw ng Department of Health at Deparment of Environment and Natural Resources na tanging nasa 9 mula sa 35 sampling stations sa Puerto Galera ang pumasa sa water quality test.