-- Advertisements --
PNP IAS

Nakatakdang magpakalat ng nasa mahigit 18,000 na mga pulis sa buong bansa ang Philippine National Police para sa nalalapit na pagdiriwang ng Labor Day o Araw ng mga Manggagawa.

Ito ay bilang paghahanda para sa mga kilos-protestang posibleng ikasa ng ilang grupo sa darating na Labor Day.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol Jean Fajardo, ito ay alinsunod sa direktiba ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. kasabay aniya ng kaniyang mahigpit na tagubilin na panatilihin ang pagpapatupad ng maximum tolerance, paramount consideration, respeto sa karapatang pantao, at freedom of expression and speech ng mga lalahok sa mga kilusang ilulunsad ng ilang grupo.

Aniya, sa kabila ng inaasahang mga kilos protesta para sa darating na Labor Day ay mananatiling nasa normal alert status ang buong hanay nga kapulisan, ngunit nananatiling mayroon aniyang kapangyarihan ang mga field commander, at regional directors na itaas ito depende sa sitwasyon sa kani-kanilang lugar.

Samantala, sa freedom parks, at iba pang authorized places of convergence kung saan madalas na idinaraos ng iba’t-ibang mga grupo ang kanilang protesta ang magiging sentro ng deployment ng mga tauhan ng PNP.

Habang tututukan din nito ang iba pang mga major thoroughfares at transport hubs sa bansa para naman sa pagbibigay ng seguridad sa mga indibidwal na babiyahe para sa darating na long weekend.