-- Advertisements --
crame

Ibinida ng Philippine National Police na nakapagtala ito ng malaking pagbaba sa bilang ng crime rate sa bansa sa ikalawang quarter ng taong 2023.

Ito ay batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng Crime Research Analysis Center ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management na naitala mula noong Abril 24, 2023 hanggang Hulyo 30, 2023.

Sa datos, bumaba sa 6.69% ang naitalang pangkalahatang Peace and Order Indicator sa nasabing panahon na katumbas ng 3,737 incidents na may kabuuang 52,163 na naitalang krimen sa comparative period at mas mababa kumpara sa 55,900 incidents na naitala noong taong 2022 sa kaparehong panahon.

Kaugnay nito ay nakapagtala rin ang PNP ng malaking pagbaba sa naitalang index crime volume na bumaba sa 17.26%.

Bumaba naman sa 17.11% ang mga naitalang focus crimes sa bansa na kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, robbery, theft, rape, carnapping, at iba pa habang nasa 3.97% naman ang naitalang pagbaba sa non-index crime volume.

Samantala, mula pa rin sa naturang ulat ay napag-alaman na ang Luzon ang nagpapakita ng may pinakamalaking bilang ng pagbaba ng krimen sa 17.80%, na sinundan naman ng Visayas na may 19.17%, at Mindanao na nakapagtala naman ng 13.18% na pagbaba sa bilang ng krimen.