Umaabot sa 123 na munisipalidad sa Pilipinas ang walang serbisyo ng Bureau of Fire Protection (BFP), tulad ng mga fire stations, fire trucks at iba pang pasilidad.
Sinabi ni BFP Spokesperson Fire Supt. Analee Atienza, na tanging mga fire prevention officer lamang ang mayroon sa mga naturang munisipalidad para sa implementasyon ng Fire Code, kung saan ang papel nila ay para sa inspeksyon at hindi mismo sa pag-apula ng sunog.
Dahil dito, naglatag na ng mga plano ang BFP para mapunan ang mga kakulangan sa kanilang ahensya sa ilalim ng RA 1589 o BFP Modernization Law.
Saklaw ito ng 10-year program ng BFP na sisimulan aniya ngayong taon para madagdagan ang mga makabagong kagamitan, kasama na ang mga bagong helicopter na pangunahing kailangan sa survey at pagtugon sa forest fire o grass fire.
Kasabay pa ng pagbili ng mga bagong firetrucks ay ang pag-recruit ng mga karagdagang fire fighters sa kanilang hanay.
Ginagawa na rin ng BFP ang pagsasagawa ng fire safety awareness program ngayong Fire Prevention Month sa mga komunidad para maiwasan ang pagkakaroon ng sunog lalo na ngayong natapat tayo sa El Nino phenomenon.
-- Advertisements --