Mahigit 1,000 displaced workers ang nabigyan ng trabaho sa ilalim ng DOLE assistance program kasunod ng magnitude 7 na lindol na yumanig sa Abra ayon sa Department of Labor and Employment Region 1.
Sinabi ni DOLE-Region 1 Regional Director Evelyn Ramos na mayroon silang profile na mga manggagawa para sa TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) upang tumulong sa paglilinis at pagtanggal ng mga debris.
Aniya, karamihan sa mga apektadong manggagawa ay nagmula sa Candon at Vigan, Ilocos Sur.
Idinagdag niya na ang clean-up drive ay tatakbo sa loob ng 15 araw, kung saan ang mga manggagawa ay tatanggap ng suweldo na P5,500.
Nasa 350 TUPAD workers naman ang tumulong sa paglilinis at minor repair ng mga silid-aralan sa La Union at Ilocos Norte.
Iniulat ni Ramos na ilang establisyimento sa Ilocos Sur ang nagbukas noong Biyernes, habang ang iba ay naghintay ng mga inspeksyon ng lokal na pamahalaan bago muling magbukas.
Sinabi ni Ramos na nakahanda rin ang DOLE regional office na tumulong sa mga manggagawang nakaranas ng mental stress o trauma mula sa lindol.










