-- Advertisements --

Sinalubong ni Department of Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., ang 139 Pilipino mula Myanmar na nagpatulong makauwi sa bansa dahil sa lumalalang political crisis sa nasabing Southeast Asian country.

Ayon sa kalihim, ang mga Pinoy na nasa Myanmar pa at nais umuwi ay maaaring magtungo sa Philippine Embassy sa Yangon upang maiayos ng DFA ang kanilang pagbalik sa Pilipinas.

Dagdag pa nito na ang ginagawang repatriation sa mga Pilipino na nasa Myanmar ay patunay lang ng pagiging tapat ng gobyerno sa pangako nitong pagtulong sa lahat ng mga kababayan natin na nasa iba’t ibang panig ng mundo.

Kasama sa repatriates mula Yangon ay 11 dependent children, apat na dependent parents at dalawang senior citizens.

Noong nakaraang linggo ay kinumpirma ng DFA na mayroong 252 Pilipino sa Myanmar ang lumapit sa embahada upang ipahayag ang kanilang kagustuhan na umuwi sa bansa dahil sa kabi-kabilang anti-coup rallies sa Myanmar bilang suporta kay Myanmar leader Aung San Suu Kyi.