Binati ni Partido Reporma president at dating speaker at Davao Del Norte Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez ang mahigit sa 100 bagong miyembro ng partido.
Sa isinagawang “Online Kumustahan” (OK) kamakailan na dinaluhan mismo ng pambato ng Partido Reporma na si Senador Ping Lacson, pinangunahan ni Alvarez ang panunumpa sa mga bagong miyembro na mga lokal na lider at residente mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ginawa ang virtual oathtaking sa pamamagitan ng OK bilang pagsunod sa ipinaiiral na health protocol ng pamahalaan bunsod ng patuloy pa ring banta ng pandemya.
Ang OK ay isang virtual town hall meet kung saan naipapahayag ng partido at ng pambato nito sa 2022 elections ang mga plataporma at posisyon sa iba’t ibang usapin na kinakaharap ng bansa.
Sa pamamagitan ng programang ito, daan-daang mga lokal na lider at kanilang mga tagasuporta ang nagpahayag ng kanilang interes para sumama sa partido at isulong ang kandidatura ni Lacson.
Ang iba pang political party ay kanya-kanya na rin ng aktibidad sa pagtanggap ng kanilang mga bagong miyembro.