Patuloy pa ring nakakapagtala ng malaking bilang ng mga pasahero sa mga pantalan ang Philippine Coast Guard.
Ito ay sa harap ng napipintong pagtatapos ng long weekend ngayon.
Batay sa pinakahuling tala ng PCG, pumalo na sa 101,813 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong kanilang namomonitor sa lahat ng mga pantalan sa buong Pilipinas.
Mula sa naturang bilang ay aabot sa 56,026 ang naitalang outbound passengers ng PCG, habang nasa 45,787 naman ang mga inbound passengers.
Bukod dito ay nasa 3,334 na mga frontline personnel din ang ipinakalat ng PCG sa 15 Districts nito na nag-inspeksyon naman sa 406 na mga vessels at 1,005 na mga motorbancas.
Samantala, magtatagal hanggang sa Nobyembre 6, 2023 ang implementasyon ng heightened alert status sa PCG sa lahat ng mga districts, stationsm at sub-stations upang magbantay sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa buong bansa.