-- Advertisements --

Matagumpay na nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang nasa mahigit 10 mga indibidwal na lulan ng isang tumirik na motorbanca sa katubigang sakop ng Zapato Gamay, Roxas City, Capiz.

Ito ay matapos na makaranas ng mechanical trouble ang naturang motorbanca na sanhi ng pagka-stranded nito sa gitna ng dagat sa layong 5 nautical miles northeast mula sa isla ng Olotayan.

Dahil dito ay napagdesisyunan ng kapitan ng bangka na maghulog ng anchor at humingi na ng saklolo sa mga otoridad.

Kasunod nito ay agad namang rumesponde ang coast guard sa team kung saan natagpuan na nila ang naturang motorbanca sa layong 10 nautical miles northwest mula sa Zapato Dako Mayor island.

Pitong mga pasahero kabilang na ang mga bata, at pitong mga tripulante din nito ang nasagip ng mga tauhan ng PCG.

Agad namang dinala ang mga ito patungo sa pinakamalapit na isla kung saan pansamantala silang manunuluyan habang nananatili pa ring masungit ang lagay ng panahon.

Habang hinatak naman ng coast guard sub-station ang naturang motorbanca patungo sa Calumpang, Masbate para sa temporary safekeeping.