May kabuuang 1,640,000 milyong mga driver ang tatanggap ng fuel assistance, kabilang ang mga tricycle driver at delivery riders.
Nakatakdang maglabas ang gobyerno ng P2.95 bilyon na fuel subsidy para sa mga operator at tsuper ng mga pampublikong mga sasakyan sa buong bansa.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mapapabilis ng Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang pamamahagi ng cash assistance.
Aniya, sisiguraduhin ng departamento na ang tulong sa mga drivers ay maipapamahagi kaagad upang magamit nila ito, mabayaran ang kanilang gasolina at mapabuti ang kanilang pang-araw-araw na kita.
Sa datos ng LTFRB, 280,000 na mga drivers ang tatanggap ng one time cash grant mula sa ahensya, habang 930,000 tricycle drivers at 150,000 delivery service riders ang tatanggap ng tulong mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Information and Communications Technology. (DICT).
Ang transport regulator ay mamamahagi ng P10,000 sa mga driver ng Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) at Modern UV Express (MUVE), habang ang mga driver ng iba pang mode of transport ay tatanggap ng P6,500.
Nakatakda namang tumanggap ng P1,000 at P1,200 na tulong ang mga tricycle at delivery riders.
Una na rito, ang nasabing hakbang ay upang masugpo ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina.