Kinumpirma ngĀ pamunuan ng Maharlika Investment Corporation na sisimulan na nilang mag invest sa mga mahahalagang proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Rafael Consing Jr. Presidente at Chief Executive Officcer ng Maharlika Investment Corporation inaasahan nila na maaprubahan ng board ngayong Huwebes ang Investment and Risk Management Framework na isa sa mga kondisyon na gagamitin para sa mga unang proyekto na bubuhusan ng pamumuhunan.
Ayon kay Consing posible sa huling quarter ng taon ay gugulong na ang MIF.
Sinabi ni Consing na kabilang sa mga unang proyektong lalagakan ng puhunan ay renewable energy, digital connectivity at healthcare.
Paliwanag ni Consing, nagpasya sila na ang mga sektor na kailangan ng bansa ang unang bubuhusan ng puhunan, at kapag kumikita na ito o magkaroon ng sobrang kita saka ilalabas sa pilipinas ang pamumuhunan.
Dagdag pa ni Consing, una sa listahan ng lalagakan ng puhunan ang renewable energy lalo na sa aspeto ng transmission lines sa island provinces kung saan ang maliliit na kooperatiba o small power utility group o spug na tinatayang nasa 34 ay hindi pa nakakabit sa main grid.
Sa ganitong paraan, matutulungan din aniya ang mga lugar na ito na mapababa ang presyo ng kanilang kuryente.
Ikalawang imprastrakturang pupuhunanan ay ang digital connectivity lalo na sa mga tinatawag na gida o geographically isolated and disadvantaged areas.
Mamumuhunan din ang MIF sa pagtatayo ng mga tower para mabawasan ang gastusin ng mga investor, sa ganitong paraan ay mahihikayat silang mamuhunan na lamang sa equipment na kailangan para sa digital infrastructure at sa operasyon nito.
Kikita pa rin aniya rito ang MIF dahil ang mga investor o kumpanya ay magbabayad ng renta sa tower.
Ikatlong sektor na pupuhunanan ng MIF ay ang healthcare o ang pag upgrade sa mga ospital at clinic ng mga lokal na pamahalaan.
Aniya ang MIF ang bahalang maglabas ng puhunan para sa pagpapatayo o pag upgrade ng healthcare facilities.
Babayaran ito ng lgus sa loob ng napag usapang panahon kasama ang interest kaya kikita pa rin dito ang MIF.