-- Advertisements --

Ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) at Office of the Civil Defense (OCD) ang biglaang pagdaloy ng lahar mula sa bulkang Kanlaon sa gitna ng inaasahang mabibigat na pag-ulan dala ng Low Pressure Area (LPA) at Habagat sa Negros Island.

Ayon kay OCD Negros Island Region director Donato Sermeno III, maaaring matangay ng mabibigat na pag-ulan ang mas maraming ash fall at debris mula sa nagdaang pagsabog mula sa bulkan na maaaring magbunsod ng mud flow o lahar.

Kahapon, naitala ang mala-sementong lahar sa may Buhangin River at sa ilalim ng Hacienda 92 Bridge sa Barangay Sag-ang at Ibid Creek sa Barangay Biak-na-bato sa bayan ng La Castellana sa Negros Occidental.

Napaulat din ang maputik na steam flow sa may ilog sa ilalim ng Intiguiwan bridge sa Barangay Guinpana-an sa bayan ng Moises Padilla.

Kaugnay nito, pinapayuhan ng OCD ang mga residenteng naninirahan malapit sa mga ilog at channels sa paligid ng bulkan na manatiling alerto para sa posibleng biglaang pagdaloy ng lahar at sumunod sa evacuation at safety instructions mula sa mga lokal na awtoridad.

Base sa state weather bureau, inaasahang mararanasan ang mabibigat na pag-ulan sa Negros Occidental at Oriental hanggang bukas, araw ng Linggo, Hunyo 8.