Nagpapakita lamang umano na ayaw magbahagi ng maliit na portion ng kanilang kita kaya tinutulan ng employers group ang P200 wage hike.
Ito ang naging reaksyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa naging pagtutol ng grupo sa naturang dagdag sahod dahil baka hindi umano kayanin ng mga maliliit na kompaniya.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Carlos Miguel Oñate, Spokesperson at Legislative Officer ng TUCP, sinabi nitong mayroon namang umiiral na mga exemptions sa maliliit na Negosyo.
Kabilang na umano dito ang mga barangay micro-business enterprises at mga negosyong apektado ng kalamidad o sakuna, na pwedeng mag-file ng exemption.
Aniya, ang mga nagreklamo kontra dagdag sahod ay ayaw lang magbahagi ng small portion ng kanilang profit sa kanilang mga manggagawa na siyang nag-aambag sa kanilang kita.
Dagdag pa, naniniwala naman ito na ang pagtaas ng sahod ay makakatulong sa mga manggagawa para makaahon mula sa kahirapan at maging para sa ekonomiya ng bansa.