CAUAYAN CITY- Ibinahagi ng kasama ng magsasakang pinagbabaril-patay sa Minanga, San Mariano na nanalo pa sa sabong ang biktima bago ang pamamaril

Matatandaang kahapon ay pinagbabaril-patay si Edwin Dancel, magsasaka at residente ng Sevillana, Benito Soliven, Isabela sa daang bahagi ng barangay Minanga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa kasama ng biktima na hindi na nagpabanggit ng pangalan, matapos na manalo ng P5,500.00 sa isang sabungan sa barangay Alibadabad ay nagpasya na silang umuwi.

Gayunman, habang sakay ng motorsiklo at makarating sa barangay Minanga ay bigla na lamang may nag-overtake na isa ring motorsiklo at binaril sa ulo si Dancel.

Nagpapasalamat naman siya dahil hindi siya idinamay sa pangyayari.

-- Advertisement --

Samantala, labis ang pagkagulat ng asawa ng biktima na nasa Hongkong nang mapag-alaman ang nangyari sa mister.

Batay sa isang kamag-anak ng misis ni Dancel, masaya pang nag-usap ang mag-asawa kahapon ng umaga at bandang tanghali nang magpaalam ang mister na makikisabong sa barangay Alibadabad.