CAUAYAN CITY- Mahaharap sa kasong paglabag sa Rupublic Act 10591 o Illegal possession of firearms, attempted murder at alarm and scandal ang isang magsasaka na nagpaputok ng baril at nanaksak sa kanyang kapatid sa barangay Calamagui 1st, City of Ilagan.
Ang dinakip ay si Dominador Abarra, 32 anyos, may- asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang ng Bombo Radyo Cauayan sa City of Ilagan Police Station, umuwi umano ang suspek sa kanilang bahay galing sa isang inuman nang datnan ang ang kapatid nito na si Carmina Abarra na nakaupo sa harapan ng kanilang bahay.
Nagkaroon umano ng isang mainitang pagtatalo sa pagitan ng magkapatid nang bigla na lamang pumasok ang suspek sa kanilang bahay at kumuha ng kutsilyo sa kanilang kusina na ginamit sa pananaksak sa ulo at katawang ng babaeng kapatid.
Nagawang makatakas ng biktima mula sa pananasak ng kanyang kapatid upang humingi ng tulong.
Makalipas lamang ang ilang minuto ay nakarinig umano ang biktima ng isang putok ng baril na mula sa kanilang bahay na dahilan upang dumulog sa pulisya.
Agad namang tumugon ang mga pulis at inaresto ang suspek na natutulog tulog sa loob ng kanilang bahay.
Nakita rin sa pag-iingat ng pinaghihinalaan ang isang thompson type na baril na loaded ng anim na bala at isang empty shell na walang kaukulang dokumento ang nasabing baril.