NAGA CITY- Patay ang isang magsasaka matapos pagtatagain sa bayan ng Tinambac, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Pepito Astillero, 41-anyos residente ng Zone 4, Brgy. Bolao Balite sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na habang pauwi na ang biktima sa kaniyang bahay ng makasalubong nito ang suspek na kinilalang si Domingo Sapinoso, aka “noli”, 40-anyos isa ring magsasaka, ng magkaroon ng mainit na argumento sa pagitan ng dalawa.
Dahil dito, bigla na lamang umanong pinagtataga ng suspek ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Samantala, agad namang naaresto ang suspek matapos ang krimen nang ituro ito ng mismong mga kabarangay sa lugar.
Sa ngayon, kalaboso na ang suspek ngunit nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing pangyayari.