CAUAYAN CITY – Nasa intensive care unit sa pribadong pagamutan ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kainuman sa San Pablo, Cauayan City.

Ang biktima ay si Barn Nacion, 39 anyos, magsasaka, tubong lalawigan ng Aklan ngunit pansamantalang naninirahan sa Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa kaibigan ng biktima na si Sonny Valencia, sinabi niya na nakipag-inuman umano siya kasama ang biktima at ng suspek sa isang tindahan nang umuwi na sila sa kanilang tinutuluyan.

Makalipas ang ilang sandali ay nakarinig umano sila ng sagutan nakita niya ang pinaghihinalaan na may hawak na itak at pumunta sa kinaroroonan ng biktima.

Pinigilan pa umano ni Valencia ang suspek subalit tinangka umano siyang tagain kung kayat tumakbo siya at humingi ng tulong sa tindahan.

Sa pagbalik niya sa kanilang tinutuyan kasama ang mga kasapi ng Rescue 922 at mga barangay Tanod ay nakita nalang umano nila ang biktima na duguan at nakahandusay sa malapit sa poultry farm.

Ayon sa Rescue 922, nakita nila ang biktima na bahagyang wala nang malay na agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan para malapatan ng lunas.