Nilinaw ni Pharmally Pharmaceutical Corp. executive Krizle Grace Mago na kailanman ay hindi sila nag-deliver ng damaged na COVID-19 supplies.
Ang pahayag na ito ni Mago sa House committee on good government and public accountability ay taliwas sa mga naunang impormasyon na isiniwalat nito sa Senado.
“Pharmally Pharmaceutical Corporation, or PPC, has never delivered damaged items to the government, nor does it intend to. PPC conducts routine quality inspection of its inventory prior to making deliveries,” ani Mago.
Salungat sa mga alegasyon, iginiit Mago na ang mga damaged items na natuklasan sa kanilang isinagawang pagsusuri ay kaagad na inihiwalay para hindi na maisama sa delivery sa pamahalaan.
Tanging ang mga magagamit lamang aniya na supplies ang kanilang pinadala sa gobyerno.
Kasabay nito ay nilinaw din ni Mago na wala ring instructions sa kanila na baguhin ang expiration dates ng mga face shields na ito.
Salungat din ito sa sinabi ni Mago sa pagdinig ng Senado kung saan sinabi niyang na-swindle nila ang pamahalaan nang baguhin nila ang expiration dates ng mga face shields.