Hiniling ng International Criminal Court (ICC) Prosecution na ibasura ang hirit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na payagang iapela ang desisyon ng korte na kumukumpirma sa mga kaso laban sa kanya kaugnay ng umano’y extrajudicial killings noong siya ay alkalde ng Davao City at sa panahon ng kanyang pagkapangulo.
Sa isang 12-pahinang dokumento na may petsang Mayo 4, iginiit ng Prosecution sa ICC Pre-Trial Chamber I na walang bago ang iniharap ni Duterte at ang kanilang apela ay nakabatay lamang umano sa hindi pagsang-ayon sa desisyon ng korte.
Giit pa ng prosekusyon, mali ang interpretasyon ng kampo ni Duterte sa naging desisyon ng ICC, lalo na sa usapin ng charges. Ayon pa rito, malinaw na tinalakay ng korte ang mga detalye ng kaso at pinakinggan ang mga argumento ng magkabilang panig bago naglabas ng pasya.
Pinuna rin ng Prosecution ang ilang pahayag ng legal team ni Duterte sa media, kung saan umano’y tinawag ang ICC na “biased” at “self-serving.” Ayon sa kanila, ang mga abogado ay dapat sumunod sa Code of Conduct, ngunit patuloy pa rin umano ang ganitong mga pahayag na nakasisira sa integridad ng korte.
Binanggit din ng Prosecution si dating presidential legal counsel Salvador Panelo, na umano’y nagpalaganap ng katulad na mga argumento sa Philippine media, kabilang ang mga pahayag na ang ICC ay “trying to justify its existence.”
Ayon sa Prosecution, ang ganitong mga pahayag ay maaaring makaapekto sa mga witness at biktima, na posibleng matakot lumahok sa proseso dahil sa mga alegasyong pumupuna sa korte.
Noong Abril, binuo na ng ICC Presidency ang Trial Chamber na hahawak sa kaso ni Duterte, na naghahanda para sa pormal na paglilitis kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity.










