-- Advertisements --

Ipinagpaliban ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa dating TV host na si Jay Sonza sa Pasig City Regional Trial Court Branch 118 ngayong Lunes, Mayo 4.

May kaugnayan ang kaso sa umano’y pagpapakala niya ng maling impormasyon kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ipinaliwanag ng abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino na pinagkokomento ng korte ang Department of Justice sa loob ng 10 araw sa mosyon nila na ibasura ang kaso dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon.

Giit ng abogado na hindi ang National Bureau of investigation (NBI), na nasa ilalim ng DOJ, ang dapat na nagsampa ng reklamo kundi dapat mismong ang Pangulo.

Samantala, hindi na rin itinuloy ng kampo ni Sonza ang paghiling ng pansamantalang paglaya ng dating mamamahayag sa pamamagitan ng recognizance, sa halip ay maglalagak na lamang ng piyansang P10,000.

Kaugnay nito, inaasahang pansamantalang makakalaya na si Sonza ngayon ding araw.

Sakali naman na hindi magsumite ng komento ang DOJ sa loob ng sampung araw, isusumite para sa resolusyon ang kaso at ibabasura sakaling katigan ng korte ang mosyon ni Sonza.