Inaasahang pagtutuunan ng Kamara ng mga Kinatawan sa Lunes ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang sponsorship, interpellation, at botohan sa committee report at Articles of Impeachment.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, nakatakda nang maging pangunahing agenda ng plenaryo ang impeachment proceedings.
Nauna nang inaprubahan ng House Committee on Justice ang impeachment complaints laban kay Duterte sa botong 53-0 para sa probable cause at 55-0 naman para sa committee report at Articles of Impeachment.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kailangan ng hindi bababa sa 106 boto upang maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment para sa paglilitis.
Sinabi ni Chua na mahigit 200 mambabatas na umano ang nagpahayag ng suporta.
Ayon pa kay Chua, lumakas ang suporta matapos talakayin sa mga pagdinig ang isyu ng SALN, AMLC records, confidential funds, at iba pang alegasyon laban sa bise presidente.
Binubuo ang impeachment case ng apat na Articles of Impeachment, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, bribery, at grave threats.
Iginiit din ni Chua na nabigyan ng sapat na pagkakataon ang kampo ni Duterte na dumalo at magsumite ng ebidensya ngunit hindi umano ito ginawa.
Kapag naaprubahan ng Kamara, inaasahang maipapadala sa Senado ang Articles of Impeachment sa loob ng linggo.
Posible ring aprubahan ng Kamara sa mga susunod na araw ang prosecution panel na maaaring binubuo nina Representatives Gerville Luistro, Chel Diokno, Leila de Lima, Rodge Gutierrez, Keith Flores, at Bel Zamora.















