-- Advertisements --

Nagdulot ng malawak na pinsala ang naganap na magnitude 7.5 na lindol sa Hilagang parte ng Japan kung saan 30 katao ang nasugatan, pagkasira ng ilang mga kalsada, power outage, at naitalang maliliit na sunog.

Nag-trigger din ang lindol ng tsunami na umaabot hanggang 70 centimeter ang taas, kaya 28,000 residente ang sapilitang inilikas.

Apektado rin ng lindol ang ilang imprastraktura, kabilang ang Shinkansen train services, kasabay ang pagkawala ng kuryente sa higit 2,700 kabahayan.

Hindi naman naapektuhan ang mga malalapit na nuclear plant sa lugar.

Nagbabala naman si Japan Prime Minister Sanae Takaichi sa publiko na maging alerto sa posibilidad ng aftershocks.

Magugunitang ang Japan kagaya sa Pilipinas ay bahagi ng “Ring of Fire”, na nakararanas ng humigit-kumulang 1,500 na lindol bawat taon, kung kaya’t ganoon na lamang ang paghahanda ng bansa para sa posibleng mga megaquakes sa hinaharap.