BUTUAN CITY – Isa at kalahating oras na nawalan ng supply ng kuryente ang malaking bahagi ng Lungsod ng Butuan matapos yanigin ng 5.8 magnitude na lindol kaninang ala-1:32 ng madaling araw ang Bayabas sa Surigao del Sur.
Ang lindol na “tectonic in origin” ay may layong 21 kilometro sa hilagang bahagi ng naturang bayan at may lalim na 40 kilometers.
Dahil dito’y naramdaman ang Intensity 4 na pagyanig sa bayan ng Bayabas pati na sa Bislig City, Tandag City, gayundin sa mga bayan ng Cagwait, at Hinatuan sa parehong lalawigan pati na dito sa Lungsod ng Butuan.
Intensity 3 naman ang naramdaman sa Surigao City sa Surigao del Norte, Gingoog City at mga bayan ng Magsaysay at Medina sa Misamis Oriental.
Ramdam din ang malakas na lindol sa bayan ng Balingasag, Jasaa, Salay, Tagoloan, at Villanueva; pati na ang Cagayan de Oro City na parehong sakop ng Misamis Oriental; habang Intesity 1 sa bayan ng Mambajao sa Camiguin Islands.
Base sa earthquake bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), wala pang kapasidad na magdudulot ng danyos ang ganito kalakas na lindol na ngayo’y nakapagtala na ng ilang aftershocks.
Sa instrumental intensities naman, nakapagtala ng Intensity 3 ang Bislig City sa Surigao del Sur at ang Gingoog City sa Misamis Oriental, Intensity 2 sa Surigao City sa Surigao del Norte at Cagayan de Oro City pati na sa Palot, Leyte; at mga bayan ng Alabel at Malungon sa Saragani Province.
Intensity 1 ang naramdaman sa Kidapawn City sa Cotabato; Koronadal City at sa bayan ng Tupi sa South Cotabato.