KORONADAL CITY – Pinag-uusapan sa Lungsod ng Koronadal ang pagpapakasal ng magkasintahan sa loob ng ospital.

Napag-alaman na karaniwang isinasagawa ang seremonya ng kasal sa loob ng simbahan ngunit iba ang nangyari sa magkasintahan na sina Cristine Pama ng Barangay Caloocan, Koronadal; at Orlando Corpuz ng Barangay Dumadalig, Tantangan, South Cotabato, matapos ang mga itong ikasal sa loob ng South Cotabato Provincial Hospital.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Cristine, orihinal na nakatakda ang kanilang kasal sa Disyembre 28, 2019, ngunit kanilang minadali dahil nag-aagaw buhay na ang kaniyang ina na si Presentacion Pama na kasalukuyang naka-confine sa provincial hospital.

Gusto umano nilang masaksihan pa ng ina ang kanilang pag-iisang dahil ang ina nito ang pinaka-excited para sa kanilang wedding day.

Kinasal sila ni Koronadal City Mayor Eliordo Ogena, habang nagsilbi ring ninong ang isa pang konsehal ng lungsod.

Magiging memorable aniya habangbuhay para sa mag-asawa ang kanilang kasal kasama ang kanilang mahal na ina.