BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis kaugnay ng pagpatay sa dalawang magkapatid sa Calatrava, Negros Occidental na pinasok ng armadong mga lalaki sa kanilang bahay at pinagbabaril.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, higit 30 ang mga suspek na pumasok sa bahay nina Lucio Agravante, 69, at Domingo Agravante, 57, sa Sitio Mayana, Barangay Lalong, Calatrava at binaril ng maraming beses na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Makaraang mapatay ang magkapatid na Agravante, pinasok din ng mga suspek ang katabing-bahay nina Roldan Marcelo at Pedro Cortez at nagdeklara ng hold-up.

Nakuha ng mga ito ang P70,000 cash at tatlong cellphone.

Nagbanta rin umano ang mga suspek na papatayin sina Marcelo at Cortez kung hindi aalis sa kanilang bahay sa loob ng 24 oras.

Tinutukoy pa ng mga pulis kung ang motibo sa krimen.