CAUAYAN CITY- Dinakip ng mga otoridad ang isang ginang at kalaguyo nito matapos maaktuhang nagsasama sa iisang boarding house sa barangay San Fermin, Cauayan City.
Ang inaresto ay isang 26 anyos na helper na umano’y kinakasama ng isang 35 anyos na ginang na kapwa residente ng Benito Sliven, Isabela.
Una rito ay nakatanggap ng impormasyon ang 45 anyos na biktima na ang kaniyang asawa at kalaguyo nito ay nagsasama sa isang boarding house .
Agad na sumangguni ang biktima at kanyang mga kamag-anak sa mga otoridad para humingi ng tulong at nagtungo sa inuupahang bahay ng mga pinaghihinalaan.
Nakiusap pa umano ang ginang na kung maaari ay pag-usapan na lamang sa barangay ang kanilang problema subalit naaktuhang nakatira sa iisang kwarto ang magkalaguyo.
Agad na dinakip ang mga suspect habang inihahanda na ang kasong adultery o pakikiapid laban sa kanila.