Hinimok ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang mga senator-judge na huwag pairalin ang katapatan sa partido o personal na ugnayan sa paghatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Abante, dapat nakabatay sa mga ebidensya at testimonya ang magiging desisyon ng mga senator-judge, anuman ang kanilang political affiliation.
“Hindi dapat magkaroon ng ‘political cataract’ o pagkabulag sa pulitika para hindi makita ang mga ebidensyang inilalahad,” pahayag ni Abante.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang paggamit ng confidential funds, mga banta laban sa ilang opisyal ng gobyerno at iba pang isyung nakasaad sa Articles of Impeachment.
Nanawagan din si Abante sa publiko na tingnan ang mga ebidensya at huwag lamang ibatay ang pananaw sa pagiging tagasuporta o kritiko ni Duterte.
Aniya, ang impeachment trial ay dapat nakatuon sa paghahanap ng katotohanan, pananagutan at tiwala ng publiko, hindi sa labanan ng magkabilang kampo sa politika.










