-- Advertisements --

Nilinaw ng National Task Force for the West Philippine Sea na hindi lamang magiging “purely military” ang isasagawang countermeasures ng Pilipinas laban sa mga agresibong aksyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ito ay matapos ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan ipinag-utos niya ang pagsasagawa ng isang “proportionate, deliberate, at reasonable” response hinggil sa mga aksyon ng China sa naturang pinag-aagawang teritoryo.

Paliwanag ni NTF-WPS Spokesperson Jonathan Malaya, kabilang sa naturang mga countermeasures na isasagawa ng Pilipinas ay ang mga paghahanda ng diplomatic measures laban sa nasabing bansa.

Aniya, ang ipinag-utos na proportionate, deliberate, at reasonable response ng Pangulo ay hindi lamang patungkol sa aspeto ng mas pagpapalakas pa sa defense capabilities ng militar kasama ang iba pang kaalyansang bansa ng Pilipinas, kundi pati na rin sa pagsasagawa ng diplomatic talks and efforts para resolbahin ang naturang isyu.

Magugunita na ang utos na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay kasunod ng magkakasunod na pag-atake ng mga barko ng China sa mga barko ng Pilipinas na nagresulta naman sa pagkasugat ng mga tauhan ng Philippine Navy na Kasama sa ikinasang rotation and resupply mission ng militar sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin shoal.