ILOILO CITY – Pinag-iisipan pa umano ng team ni 2019 Miss Universe-Philippines Gazini Ganados ang itatawag sa kanyang signature walk na nasimulang makagawian noong 2010 kay Venus Raj

Kung maaalala, “lava walk” ang ibinansag sa rampa ni reigning Miss Universe Catriona Magnayo Gray, ”tanim-bala walk” kay Pia Wurtzbach, ”cobra walk” ni Janine Tugonon, ”tsunami walk” ni Shamcey Supsup, ”pilapil walk” ni Venus Raj at ng iba pang mga beauty queens.

Kahit hindi pa rin makapaniwala sa kanyang tagumpay sa Binibining Pilipinas 2019 ang 23-year-old half Palestinian beauty queen, ay bukas siya sa oportunidad na makuha ang back-to-back international win ni Gray.

Sa exclusive interview ng Star FM Iloilo kay Ganados, sinabi niyang kasalukuyan silang nag e-internalize at nagpaplano ng konsepto na gagamitin nila para sa 68th Miss Universe pageant na gaganapin sa South Korea sa December 19, 2019.

Ayon pa sa Cebuana model, nagpapasalamat siya sa mga sumuporta sa kanya at maging sa feedback ng kanyang mga kritiko dahil nalaman niya ang kanyang mga pagkukulang sa kabila ng natamong bagong tagumpay.