-- Advertisements --

Maaaring umabot sa Supreme Court (SC) ang magiging resulta ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung magkaroon ng isyu sa bilang ng mga boto.

Ayon ‘yan kay retired Supreme Court Justice Adolfo Azcuna, dahil maaari raw magtakda ng taliwas sa konstitusyon ang Senado na siyang may kapangyarihang litisin ang impeachment case.

Kung hahatulang guilty si VP Sara ng impeachment court kahit hindi umabot sa kinakailangang 16 na boto, maaari daw itong kuwestiyunin sa Korte Suprema kung may alegasyon ng grave abuse of discretion.

Sa ilalim kasi ng 1987 Constitution, kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa 2/3 o 16 na senador upang mahatulang guilty ang isang opisyal sa impeachment.

Aminado naman si dating Senate President Franklin Drilon na maaari ngang ihain ang usapin sa SC, ngunit ang tanong ay kung tatanggapin ng Mataas na Hukuman ang kaso dahil impeachment ang naturang isyu.

Ayon kay Azcuna, dapat pa ring isama sa bilang ng mga senador si Senator Jinggoy Estrada kahit suspendido ito, dahil nananatili pa rin umano siyang may hawak ng puwesto kahit hindi niya ito kasalukuyang nagagampanan.

Ang impeachment trial ni Vice President Duterte ang magiging ikatlong full-blown impeachment trial sa kasaysayan ng bansa. Ito rin ang ikatlong pagkakataon na hindi lahat ng 24 na senador ay makakalahok bilang senator-judges.