Nakuha ng Orlando Magic ang ikatlo nitong panalo, matapos talunin ang Utah Jazz sa una nilang paghaharap ngayong season, 115 – 113
Bumida sa naging panalo ng magic ang No.1 overall pick noong 2022 na si Paolo Banchero na nagbuhos ng 30 points kasama ang siyam na rebounds at 5 assists. Tinulungan din siya ng bagitong Forward na si Franz Wagner na kumamada ng 21 points.
Maliban sa dalawang starter, malaki rin ang naging ambag ng dalawang bench: 18 points ang idinagdag ni Cole Anthony habang 10 points mula kay Moritz Wagner.
Bagaman nakipagsabayan ang Jazz sa naturang laban, hindi pa rin umubra ang magandang opensa na kanilang ipinakita sa kabuuan ng game.
Tatlong Jazz players ang nagbuhos ng mas mahigit sa 20 points bawat isa, na kinabibilangan nina John Collins, Lauri Markkanen, at Jordan Clarkson, habang 15 points ang naging kontribusyon ni Talen Horton-Tucker.
Sa banggaan ng dalawang team, kapwa nagtala ang dalawa ng tig-46% na field goal percentage.
Pareho ding nagbuhos ng tig-56 points ang dalawang team, habang kapwa nagtala ang mga ito ng tig-27 assists.
Hindi rin nalalayo ang 3pt percentage ng dalawang team kung saan 36.4% ang hawak ng Jazz habang 35.7% ang hawak ng Magic.
Gayonpaman, mas marami ang tawag na foul sa Magic na kumamada ng 27 total foul points habang 19 lamang ang naipasok ng Jazz sa charity line.