CAUAYAN CITY- Nakuhanan ng CCTV Camera ang aktong pagtakas ng hinihinalang mag-inang magnanakaw at nanalisi sa isang bahay kalakal sa Recto Avenue Barangay Victory Norte, Santiago City.

Ang umanoy mag-ina ay nagnakaw sa isang sling bag ng may-ari ng mismong MJC Business Center na naglalaman ng 6 na iba’t ibang ATM card, credit cards, Identification cards, cash at ilang mahahalagang dokumento ng mga suspek na nakasuot ng face mask.

Sa pagsisisyasat ng Presinto Dos, nagpanggap ang hinihinalang mag-ina na bibili lamang sa nasabing store.

Lumapit ang nakatatandang suspek na nakasuot ng pulang T-shirt, Floral Pants at Surgical Mask sa biktima na umaktong bibili ng ilang beauty products sa nasabing bahay kalakal.

Habang kasalukuyan ang paguusap ng dalawa, ay sumalisi ang batang suspek na nakasuot ng face mask, itim na sando at shorts at tuluyan nang isinilid sa kanyang pang-itaas na damit ang ninakaw na sling bag.

Makikita sa CCTV Footage ang unang paglabas ng batang suspek kasunod ng pagtago nito sa katabing pwesto at pagkaraan ay sumunod naman ang hinihinalang ina nito at tuluyan nang umalis sa nasabing lugar.

Nabigla na lamang si Mary Joy Narayanasamy nang mapagtantong nawawala na pala ang kanyang Sling bag.

Ipinagbigay agad ang pangyayari sa himpilan ng pulisya na agad namang tumugon.

Sa ngayon, nanawagan ang Presinto Dos sa publiko sa kung sino man ang makapagtuturo sa hinihinalang mag-inang magnanakaw na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang madakip ang mga suspek.