-- Advertisements --

CEBU CITY – Isinailalim sa malalimang imbestigasyon ng PNP ang pamamaril sa mag-asawang senior citizens sa loob ng kanilang pamamahay sa Brgy. Bae, bayan ng Sibonga, Cebu.

Patay sa naturang krimen ang mga biktimang sina Proferio Tolomia, 72, at Anatalia Tolomia, 74.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Sibonga PNP, sinugod ng nakamaskarang gunman nitong Miyerkules ng gabi ang pamamahay ng mag-asawa at walang habas nyang binaril umano ang nasabing mga biktima.

Dali-daling tumakas ang tatlong mga apo ng biktima na nasa 11 hanggang 19 anyos ang mga edad nito.

Samantala, nakatago naman ang kanilang 11-anyos na apo sa ilalim ng hinihigaan nitong kama upang hindi madamay.

Ayon sa kanilang apo, pinilit niyang magtago nang dahil sa sobrang takot upang hindi ito makita ng di pa nakilalang gunman.

Sinabi ngayon ni PMaj. Alfredo Kuhay Jr., hepe ng Sibonga PNP na nagsagawa na sila ng follow-up investigation upang malaman kung ano ang naging motibo nito.

Hinanahap ngayon ng otoridad ang responsable sa naturang pamamaril sa isinagawa nilang hot pursuit operation.