Kinoronahan si Angelica Lopez ng Palawan bilang Reina Filipinas Grand International 2026 sa kauna-unahang grand coronation night ng pageant na ginanap nitong Biyernes.
Si Angelica ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International 2026, kapalit ni Emma Mary Tiglao.
Tinalo ni Lopez ang 20 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang makuha ang titulo.
Nakuha naman ni Cleopatra Barrera ng Zambales ang titulong first runner-up, habang second runner-up si Isabella Ortega ng Camarines Sur.
Kinilala rin sina Zeah Nestle Pala ng Mandaluyong bilang third runner-up at Luisa Benavides ng Caloocan bilang fourth runner-up.
Samantala, sina Anne Patricia Diaz ng Maynila at Alexie Caimoso Brooks ng Iloilo City ang napiling kinatawan ng Pilipinas sa susunod na edisyon ng MGI All Stars matapos nilang makuha ang Reina Filipinas MGI All Stars titles.
Ang mga nagwagi ay pinili batay sa pinagsamang puntos mula sa panel of judges at boto ng publiko.
Kabilang sa mga hurado ang internationally acclaimed Filipino designer na si Michael Cinco, Miss Grand International 2024 na si CJ Opiaza, inaugural MGI All Stars winner na si Vanessa Pulgarin ng Colombia, at first runner-up ng MGI All Stars na si Nguyen Huong Giang ng Vietnam.











