-- Advertisements --

Kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) na apat na katao ang nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng bagyong Luis, bagyong Maymay, at ng habagat.

Dalawa ang namatay sa Benguet matapos matabunan ng landslide, habang dalawa rin ang nasawi sa rockslide sa Rodriguez, Rizal.

May isa ring sugatan sa Benguet ngunit wala namang naitalang nawawala. Umabot na sa 132,956 indibidwal o 39,879 pamilya mula sa iba’t ibang rehiyon ang naapektuhan ng sama ng panahon.

Sa bilang na ito, 6,215 indibidwal o 2,021 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa 61 evacuation centers.

Nakapagtala rin ang OCD ng 14 nasirang bahay, kung saan 13 ang bahagyang nasira at isa ang tuluyang nawasak.

Samantala, P3.59 milyon na ang naipamahaging ayuda ng pamahalaan sa mga apektadong residente, habang patuloy ang pagbabantay sa habagat at sa bagyong Dolphin na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility.