Patuloy na magdudulot ang Southwest Monsoon o Habagat ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas hanggang sa Lunes, Agosto 10, ayon sa pinakahuling weather advisory ng PAGASA.
Ngayong Sabado, Agosto 8, inaasahan ang 100 hanggang 200 millimeters na pag-buhos ng ulan sa La Union, Benguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.
Samantala, 50 hanggang 100 millimeters naman ang inaasahan na buhos na ulan sa Ilocos Sur, Pangasinan, Abra, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, at Antique.
Mula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng gabi, Agosto 9 mananatili ang 100 hanggang 200 millimeters na ulan sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.
Posible ring makaranas ng 50 hanggang 100 millimeters na buhos na ulan ang Ilocos Norte, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, at Antique.
Sa Linggo ng gabi hanggang Lunes ng gabi, Agosto 10, 100 hanggang 200 millimeters na ulan pa rin ang inaasahan sa Ilocos Sur, La Union, Benguet, Zambales, at Bataan, habang 50 hanggang 100 millimeters naman ang maaaring maranasan sa Ilocos Norte, Abra, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Antique.
Nagbabala naman ang PAGASA na maaaring mas mataas pa ang dami ng ulan na bubuhos para sa mga bulubundukin at matataas na lugar.
Dahil dito, ibayong pag-iingat para sa mga residenteng nakatira sa matataas na lugar at bahaing lugar dahil posible ang landslide at flash flood sa mga nabanggit na lugar na apektado ng Habagat.
















