-- Advertisements --

Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang P700 million halaga ng mga pekeng produkto sa isang warehouse sa Imus City, Cavite, sa operasyon laban sa umano’y smuggled goods.

Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II, kabilang sa mga nakumpiskang counterfeit products ang mga sapatos na may brand na Adidas, On Cloud, New Balance, ASICS, Crocs, Nike, Puma, Converse, Skechers, at Louis Vuitton.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang CIDG ng beripikadong impormasyon na may nakaimbak na mga kontrabando sa isang warehouse sa Barangay Alapan II-A, Imus City.

Nakipag-ugnayan ang CIDG sa Bureau of Customs (BOC), na naglabas ng Letter Order at Mission Order na nagbibigay ng awtoridad sa mga operatiba na magsagawa ng inspeksyon, paghahanap, at pagsamsam sa mga produktong lumalabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Nagsimula ang operasyon bandang alas-11 ng umaga noong Agosto 3.

Ayon kay Morico, ang pagpasok ng mga smuggled na sapatos sa bansa ay nakaaapekto sa koleksyon ng buwis ng pamahalaan, nakapipinsala sa mga lokal na gumagawa ng sapatos, at nagdudulot ng pagkalugi sa kaban ng bayan.

Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng CIDG at BOC sa pagsugpo sa smuggling at iba pang uri ng customs fraud bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa economic sabotage.