Kinumpirma ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na naka-confine sa isang private hospital sa Parañaque ang mag-asawang nakitaan ng sintomas na Coronavirus 2019 (COVID-19).
Ayon kay Olivarez March 1 pa naka-confine sa Uni-Health Hospitalang mag-asawang pasyente.
Nilinaw naman ni Olivarez na hindi residente ng Parañaque ang dalawang pasyente at galing sila ng San Juan.
Sa nasabing ospital aniya nagtatrabaho ang anak ng mag-asawang pasyente kaya doon nila pinili na magpagamot matapos na lumabas sa laboratory test ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibo ang mga ito sa COVID-19.
Idinagdag pa ni Olivarez, bumuo na sila ng task force para sa (COVID-19) na pinangunahan ng city health officers at city council para magkaroon ng education precautions sa lungsod.
Nagbigay na rin aniya sila ng memorandum circular sa mga barangay at sa private sector para obligahin ang mga ito na kunan ng body temperature ang mga pumapasok sa establishments gamit ang infrared thermometer.
Maging ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operators sa Paranaque ay pinulong na rin ng city health officials para maturuan sila ng tamang pag-iingat para maiwasan ang pagkalat ng virus.