CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang mag-asawa matapos mabangga ng prime mover truck sa Lasang Highway Initao, Misamis Oriental.

Kinilala ang mga biktima na sina Tito Tecson, 48-anyos, at ang maybahay nito na si Roselia Tecson, kapwa residente ng Barangay Iponan nitong lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Lt. Noli Maderse, deputy commander ng Initao Police Station, na nangyari ang madugong aksidente nang mag-overtake ang sinasakyang motorsiklo ng mag-asawa.

Nawalan ng kontrol si Tito sa minamaneho nitong motor kaya gumulong sila sa gitna ng daan at nabangga ng tumatakbong trak na minamaneho naman ni Rey Oran, residente ng Bagong Taas, Valencia City Bukidnon.

Nagtamo ng maraming sugat sa katawan ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage of property ang driver ng truck.