NAGA CITY – Patay ang mag-asawa matapos na mabangga at masagasaan pa ang sinasakyan nilang motorsiklo ng 14-wheeler truck sa Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na sina Rodrigo at Luisa Bragais, residente ng bayan ng San Fernando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PO2 Nelson Guiruela mula sa PNP Libmanan, posibleng hindi aniya napansin ng driver ng 14-wheeler truck ang nasa unahan nitong motorsiklo na minamaneho ni Bragais sa bahagi ng barangay Bagacay.

Aniya, nagkalasog-lasog pa ang katawan ng mag-asawa matapos na masagasaan ito ng truck.

Nananatili ngayon sa kustodiya ng PNP ang driver ng truck at desidido aniya ang pamilya ng mga biktima na sampahan ito ng kaso.

Samantala, naulila naman ng naturang mag-asawa ang 12 nitong mga anak.