CAUAYAN CITY – Patay ang mag-asawa na taga-Nueva Vizcaya matapos salpukin ng pampasaherong bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa national highway sa Caquilingan, Cordon, Isabela, kagabi.

Ang mga biktima ay sina Maverick at Elsie Andaya na residente ng Nanamparan, Diadi, Nueva Vizcaya.

Ang driver naman ng Marsonfer bus ay nagngangalang Chonel Agustin, residente ng Maddela, Quirino.

Umagaw umano ng linya ang bus kaya nasalpok ang kasalubong na motorsiklo.

Naisugod pa sa ospital ang mag-asawang Andaya ngunit idineklarang dead on arrival.

-- Advertisement --

Nahirapan naman ang mga rescuer na tanggalin ang bus driver sa pagkakaipit sa driver’s seat dahil bumangga ito sa isang puno ng kahoy matapos na masalpok ang motorsiklo.

Samantala, Iisinugod din sa ospital ang 15 pasahero ng bus na nasaktan at nasugatan sa aksidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng Cordon Police Station sa pangyayari.