-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Hindi mapapantayan ang saya na nararamdaman ng mag-asawang Linawagan matapos na tuluyan nang makita ang kanilang anak na halos 6 na taong nawala at nawalay sa kanilang piling.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jocelyn Linawagan, labis ang kanyang pasasalamat matapos na muling masilayan ang kanyang anak na si Marisol Linawagan, 26-anyos na matagal na umano nilang hinahanap.

Emosyonal din na pinahayag ni Jocelyn na isang maagang regalo sa pasko para sa sa kanila na makitang buhay ang kanilang anak.

Aniya, labis ang kanilang pangungulila at pangamba sa kalagayan ng kanilang anak lalo pa’t hindi ito nakakapagsalita.

Kaugnay nito, mangiyak-ngiyak na pinasalamatan ng mag-asawang Linawagan ang lahat ng tumulong lalo na ang himpilan ng Bombo Radyo Koronadal, na syang naging daan upang matunton nila ang kanilang anak.

At dahil hindi nakakapagsalita, nahirapan umano itong makabalik sa kanyang pamilya at naconfine pa sa South Cotabato Provincial Hospital kung saan dito ito nakilala ni Marielle Panizales na syang nagpaabot ng impormasyon sa Bombo Radyo sa kalagayan ni Marisol.

Dahil sa Facebook post ng Bombo Radyo Koronadal, nakita ito ng kapatid ni Marisol at agad na pinuntahan ng kanilang mga magulang kahit na sila ay hirap rin sa buhay.

Maliban sa Bombo Radyo at kay Marielle, pinasalamatan naman nila Jocelyn at Juan Linawagan ang mga taong tumulong sa kanyang anak kabilang na ang mga lokal na ahensya ng gobyerno at mga ilang residente ng Koronadal City matapos magbigay ng tulong pinansyal.

Sa ngayon, magkasama nang umuwi sa kanilang probinsya ang magpamilya.

Matatandaang na nawala si Marisol simula pa noong 2013 kung saan bigla lamang umano itong naglayas sa kanilang bahay at sumakay sa pampaseherong sasakyan at hindi na nakauwi pa.