NAGA CITY – Suwerteng nakaligtas bagama’t nagtamo ng sugat ang mag-ama matapos masabugan ng granada sa loob ng kuwarto nila sa Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Christian Almazan at ang siyam na taong gulang na anak nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Col. James Runatay, tagapagsalita ng Camarines Sur Police Provincial Office, sinabi nitong nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad para malaman kung bakit may itinatagong rifle grande si Almazan sa loob ng bahay nito.
Ayon kay Runatay, sakaling mapatunayan na walang kaukulang dokumento si Almazan, puwede itong maharap sa kasong may kaugnayan sa illegal possession of explosives.
Nabatid na na mula sa inuman si Almazan at pagpasok nito sa kanyang silid, bigla na lamang narinig ang malakas na pagsabog.
Hanggang sa bumulaga na lamang sa mga kainuman nito ang sugatang katawan ng mag-ama na agad namang itinakbo sa ospital.
Samantala, narekober ng mga pulis sa lugar ang isang live rifle grande na wala ng pin na pinaniniwalaang dahilan ng pagsabog.