-- Advertisements --

Pormal na kinumpirma ng isang saksi sa pagdinig ng Kamara ang natanggap nitong direktiba mula kay Vice President Sara Duterte para sa isang umano’y delivery noong Disyembre 2022, na may kinalaman sa kontrobersyal na paggamit ng P125 million na confidential funds.

Sa naging pagtatanong ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Adiong, isinailalim sa mga clarificatory questions ang saksing si Mr. Ram Madriaga upang linawin ang mga detalyeng nakapaloob sa kaniyang isinumiteng affidavit at supplemental affidavit.

Nakasentro ang interogasyon sa isang complaint hinggil sa kuwestiyonableng paggamit ng pondo ng gobyerno.

Sa naturang pagdinig, direktang tinanong ni Rep. Adiong si Madriaga kung totoo ang nakasaad sa kaniyang salaysay na nakatanggap siya ng tawag mula sa Bise Presidente noong Disyembre 20, 2022 upang magbigay ng direktiba.

Sumagot ng Opo ang saksi at kinumpirma ang eksaktong pahayag na sinabi umano ni VP Duterte.

Ayon kay Madriaga, matagal na niyang kilala ang tinutukoy na si Col. Nolasco, gayundin ang isa pang opisyal na si Col. Lachica.

Nakasama niya umano ang mga ito noon sa pagtuturo ng isang specialized subject na tumatalakay sa security safety.

Inamin din ng saksi sa komite na matapos ang naturang tawag, nakatanggap siya ng text message mula kay Col. Nolasco na nag-aatas sa kaniyang magtungo sa Central Office ng Department of Education (DepEd) para sa isang transport.

Sumang-ayon si Madriaga sa manipestasyon ng mambabatas na ang terminong transport sa kanilang sitwasyon ay katumbas din ng salitang delivery.

Bilang karagdagang konteksto, nilinaw ni Madriaga sa komite ang mga sumunod na pangyayari. Pagdating niya sa tanggapan ng DepEd ay magkasama sila ni Col. Nolasco nang salubungin sila ni Col. Lachica.

Ayon sa saksi, may kasamang babae si Lachica na kalaunan ay natukoy sa mga dokumento bilang si Special Disbursing Officer o SDO Gina Acosta ng ahensya.