Kinuwestiyon ni Iloilo Representative at Appropriations Vice Chairperson Rep. Janet Garin ang presensiya umano ng sangkaterbang abogado mula sa Public Attorne’ys Office (PAO) sa mga pagdinig ng kaso.
Ginawa ni Garin ang pahayag sa budget deliberation ng Department of Justice (DOJ) para sa kanilang 2024 proposed budget.
Napansin kasi ni Garin sa mga isinagawang pagdinig na maraming mga PAO lawyers ang dumadalo.
Ito ay may kaugnayan sa mga kasong inihain ng PAO sa ilang mga doktor, scientist at mga experto.
Ayon sa mambabatas na dating kalihim ng Department of Health (DOH) tila sayang ang binabayad ng gobyerno sa mga PAO lawyers na dumadalo sa mga pagdinig na wala namang ginawa dahil ang may hawak na ng kaso ay ang prosecutors.
Dagdag pa ni Garin, mas maraming mga kababayan natin ang nangangailangan ng tulong ng PAO.
Inihayag ni Garin, ingay at distorbo ang idinudulot ng mga PAO lawyers sa pagdinig.
Paglilinaw naman ni PAO Chief Atty. Persida Acosta, na hindi totoo na maraming PAO lawyers ang dumalo sa pagdinig bagkus apat lamang ang mga ito.
Dagdag pa nito na posible mga expectators ang maingay o yung mga pamilya na namatayan.
Hindi rin aniya sila nagdi-deploy ng maraming abogado sa mga pagdinig.
Humingi naman ng paumanin si Acosta kay Garin hinggil sa kaniyang naging obserbasyon.
Hirit din ni Garin na kinasuhan ng PAO ang ilang mga opisyal ng DOH hinggil sa Covid-19 vaccination sa panahon ng Duterte administration.
Sa panig naman ni Justice Secretary Boying Remulla, kaniyang ipinunto ang mandato ng PAO na tulungan ang mga kababayan nating mahihirap.