-- Advertisements --

Posibleng makaapekto sa suplay ng tubig sa Metro Manila ang patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kulang ang naitalang ulan sa bansa ngayong Hunyo. Hanggang nitong Hunyo 20, nasa 120 millimeters pa lamang kasi ang naitalang mga pag-ulan, o kalahati lang ng inaasahang dami ng ulan para sa buong buwan.

Sinabi ng PAGASA na mahigpit nilang binabantayan ang water level ng Angat Dam. Kapag bumaba ito sa 160 meters, maaari nang magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig.

Samantala, nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang bayan ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro dahil sa matinding kakulangan ng tubig na ilang buwan nang problema ng mga residente doon.

Labing-isa sa 13 barangay ng bayan ang apektado ng krisis sa tubig, habang may ilang lugar na wala nang suplay ng tubig.

Ayon sa lokal na pamahalaan, isa sa mga dahilan nito ang epekto ng El Niño at ang pagdami ng mga konsyumer ng tubig.

Sa kabila nito, tiniyak ng tourism office ng Puerto Galera na normal pa rin ang operasyon ng mga hotel, resort, restaurant at iba pang establisimyento sa lugar.

Upang maiwasan naman ang kaparehong sitwasyon sa Metro Manila, nagsasagawa na ng iba’t ibang hakbang ang National Water Resources Board.

Kabilang dito ang paghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng tubig gaya ng mga deep well, Laguna de Bay, at ilang water treatment facilities sa Parañaque at Cavite.