-- Advertisements --

Nababahala ang isang grupo ng mga guro na maiiwan ang ilang milyong mahihirap na kabataan sa mga probinsya ng bansa sa darating na pasukan.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, mababa ang turnount ng online enrollment sa 14 na rehiyon sa bansa.

Ayon sa ACT Philippines, kalahati ng 6.4 million enrollees ay nanggaling sa tatlong malalaking urbanized regions na mayroong magandang access sa remote enrollment.

Base sa datos ng Department of Education (DepEd), CALABARZON ang may pinakamaling bilang ng mga enrollees sa 1,283,358, na sinundan ng National Capital Region (895,406) at Central Luzon (772,035), hanggang noong Hunyo 8.

Samantala, ang Cordillera Administrative Region naman ang may pinakakakaunting bilang ng mga enrolles sa 38,853 lamang.

-- Advertisement --

Sinabi ni ACT secretary general Raymond Basilio na ang datos na ito ng DepEd ay nagpapakita lamang na iyong mga estudyante lamang na may sariling gadgets at internet connection ang makikibahagi sa nalalapit na pasihan habang iyong mahihirap na kabataan ay hindi makakapag-aral.

Iginiit ni Basilio na reponsibilidad ng pamahalaan ang pagbibigay ng resources sa mga mag-aaral at hindi dapat ito iasa sa mga guro o kahit sa mga magulang.

Malinaw naman kasi aniya sa ngayon na marami pa ring mga estudyante sa bansa ang walang sapat na kakayahan para magmay-ari ng learning gadgets tulad ng personal computer o laptop at maging ng isang stable na internet connection.