-- Advertisements --

Umapela ang Employers Confederation of the Philippine (ECOP) nitong araw sa gawing mababa ang service charge sa mga government-supported loans na gagamitin para sa 13th-month pay ng mga empleyado.

Sa isang panayam, sinabi ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis na 5 hanggang 6% ang ipapataw na service charge para sa naturang loan.

Umaasa sila na gawing isa hanggang dalawang porsiyento na lamang ang service charge sa loan na ito dahil tulong na rin naman ito ng pamahalaan sa mga employers para makapagbigay ang mga ito ng 13th-month pay sa kanilang mga empleyado.

Nabatid na P4 billion ang inilaan ng pamahalaan bilang pautang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) para gamitin naman sa 13th-month pay ng kanilang mga empleyado.

Nauna nang lumutang ang posibilidad na ipagpaliban ang ang pagbibigay ng naturang benepisyo sa mga manggagawa dahil sa hamon na dulot ng COVID-19 pandemic.

Pero mariing tinutulan ito ng labor sector, mga mambabatas at maging ng Palasyo ng Malacanang.

Sa halip, magbibigay na lamang ng subsidiya ang pamahalaan para sa 13th-month pay ng mga empleyado ng mga “distressed” employers o bubuo ng loan facilities na maaring i-avail.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority, nasa 5.5 million manggagawa ang apektado ng pandemya.

Sinabi naman ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nasa P13.7 billion ang kakailanganin ng pamahalaan para sa kanilang iba’t ibang programa para sa mga manggagawang ito.

Sa pamamagitan ng P4-billion na alokasyon, sinabi ni Bello na tanging ang mga negosyong maituturing na micro at small lamang ang mabibigyan ng tulong.